Ang Nutrisyon sa Likod ng Bahay Kubo
Ni Gio Nethaniel Dela Cruz
Agosto 06, 2025
3-min read
Iwinasto ni Tyra Lucero
Ang Nutrisyon sa Likod ng Bahay Kubo
Ni Gio Nethaniel Dela Cruz
Agosto 06, 2025
3-min read
Iwinasto ni Tyra Lucero
Dito sa Pilipinas, ang buwan ng Hulyo ay taon-taon ipinagdiriwang bilang Nutrition Month, ayon sa Section 7 of Presidential Decree No. 491. Layunin ng selebrasyong ito ay magbigay kamalayan tungkol sa nutrisyon at magturo ng masustansiyang paraan ng pagkain. Ang Buwan ng Nutrisyon ay matagal nang bahagi ng kulturang Pilipino, kadalasang nagaganap sa mga paaralan sa pamamagitan ng iba’t ibang paligsahan sa pagluluto, paglikha ng poster, at pagsulat ng slogan. Subalit, aling bahagi ng ating kultura ang pinakamainam na paraan upang turuan ang halaga ng nutrisyon. Ang sagot: Bahay Kubo.
Ang Bahay Kubo ay isang katutubong awit. Ang awiting ito ay madalas na tinuturo at kinakanta ng mga guro at magulang. Ang mga liriko nito ay binubuo ng mga halaman na makikita sa tabi ng Bahay Kubo. Ngayon, anu-ano ang sustansyang dulot ng mga gulay at prutas na nabanggit sa kilalang kanta at anu-anong mga pagkain ang maaaring subukan bilang pagdiriwang ng Nutrition Month?
Singkamas
Ang singkamas ay isang gulay na ayon kay registered dietician Julia Zumpano, RD, LD. na ito ay may tamis ng isang mansanas at kasing-lutong ng isang kastanyas o chestnut. Ito ay puno ng mga antioxidants, tulad ng Bitamina A, C, at E. Nagbibigay proteksyon ito sa mga delikadong molekula na free radicals na maaaring magdulot ng diabetes, sakit sa puso, Alzheimer’s, at iba pang malubhang sakit.
Kung may mangga at bagoong, mayroon ding singkamas at bagoong na magkasamang binebenta ng mga nagtitinda sa kalsada.
Talong
Ang talong ay karaniwang inihahambing sa iba’t ibang bagay, puno ito ng mga mineral at fiber, pero alam niyo bang may Bitamina C ito? Ang bitamina na madalas na matatagpuan sa mga prutas ay mahahanap sa gulay na ito, nakakatulong sa ating resistensya at pagpapagaling ng ating katawan.
Para makamtan ang magandang dulot ng mga talong, isang ulam na maaaring lutuin bilang pagdiriwang ng buwan ng nutrisyon ay ang Tortang Talong. Ayon sa Taste Atlas, ito ay ang pangalawang pinakamasarap na putaheng gawa sa itlog sa buong mundo.
Sigarilyas
Ang Sigarilyas ay may mahalagang papel sa pinakamaliit na yunit ng buhay, ang ating mga cells o selula. Ito ang isa sa pinakamagandang mapagkukunan ng folates. Ano ba ang folates? Isa ito sa mga kinakailangan upang makagawa ng bagong DNA at bagong selula. Kung wala ito, hindi gumagana ang mekanismong nagpapagaling sa mga sugat at tumutulong sa paglaki ng katawan.
Isang masarap na paraan para makatulong ang ating selula ay sa pagkain ng isang maanghang na ulam na pinangalanang “Gising-gising.”
Mani
Maraming uri at anyo ang mga mani ngunit lahat sila ay kadalasang may balat at nakakain na prutas sa loob nito. Nakakatulong ang mga mani para sa kalusugan ng iyong puso. May iba’t ibang sustansya ang mani katulad ng Omega 3, fiber, unsaturated fats, at iba pa.
Madalas makikita ang mga mani na binebenta sa tabi ng daan na palaging nakalagay sa kayumangging papel na lalagyan.
Sitaw
Isang sustansya na makukuha sa pagkain ng sitaw ang Bitamina K. Maliban sa calcium, malaking tulong ito para sa pagkakaroon ng malusog na buto.
Ang sitaw ay matatagpuan sa isang kilalang pagkaing Pilipino, Pinakbet, na mayroon ding isa pang gulay na mababanggit mamaya.
Bataw
Ang kanser ay isang malubhang sakit subalit kaya itong mapigilan gamit ang Bataw. Naglalaman ito ng zinc na kayang maiwasan ang pag-mutate ng mga selula, tumutulong sa paggawa ng selula at mabawasan ang pagkakaroon ng tumor.
Kilalang-kilala ang Bicol Express pero may sariling bersyon din ang bataw. Tinatawag itong Bataw Express na mas masustansyang kapalit sa kapatid nitong may sangkap na baboy.
Patani
Ang patani ay may isang kakaibang epekto sa ating kalusugan, hindi pisikal kundi mental. Mayaman ang gulay na ito sa isang uri ng amino acid na tinatawag na tryptophan. Ito ay kinakailangan sa paggawa ng serotonin o “happy hormone.”
Walang masyadong ulam na ang pangunahing sangkap ay patani. Pero, may isang putahe na nakasulat sa isang blog, “Patani on Toast.” Ito ay patani na ginisa sa bawang, luya, paminta, at laurel na hinalo sa kamatis at olive oil na nakaibabaw sa tustadong tinapay.
Kundol
Alam lang ng karamihan ang Kundol sa Bahay Kubo ngunit natikman at nasubukan na ito ng iba sa pangalan nito sa wikang Ingles, Wintermelon. Ito ay mayaman sa tinatawag na choline, isang nutrient na may mahalagang papel sa kalusugan ng utak. Tumutulong ito sa paggawa ng acetylcholine, isang bahagi ng utak na namamahala sa memorya, pag-aaral, pokus, at pagdedesisyon.
Maliban sa kilala itong lasa ng milktea, maaari din itong matikman sa ulam na Ginisang Kundol.
Patola
Ang diabetes ay isa sa mga malulubhang sakit sa mundong ito ngunit kaya itong labanan ng patola. Naglalaman ito ng isang uri ng mineral na manganese na nakatutulong sa pagproseso ng asukal ng ating katawan at paggawa ng insulin.
Kung ang sustansya ng patola ay nais makamtan, ang Misua Patola ay dapat matikman. Ito ay binubuo ng patola, giniling na baboy, misua, at iba pang masasarap na kasangkapan.
Upo
Sa mundo ngayon, lalo na sa mababang kalidad ng hangin, maraming tao ang nagkakaroon ng problema sa baga, katulad ng hika at pag-ubo. Pero, ayon sa mga eksperto, ang laman ng upo ay kayang labanan ang mga komplikasyong ito.
Karamihan sa mga gulay na nababanggit ay madalas na nakikita na sangkap sa ibang ulam pero ang karaniwang inuulam na mga gulay ay ang mga ginigisa. Halimbawa nito ay ang ginisang upo na nararapat lamang kainin para balanse ang pagkain.
Kalabasa
Alam ng lahat na ang kalabasa ay mabuti para sa mata. Ang hindi alam ng lahat na ang kalabasa ay may tulong din sa dugo ng tao. Ito ay isang mainam na mapagkukunan ng iron upang maiwasan ang anemia, mapapababa ang pakiramdam ng pagod, at paunlarin ang kakayahan ng katawan sa pampalakasang laro.
Maraming putahe ang naglalaman ng kalabasa, isang halimbawa na ang pinakbet. Subalit, isang masarap na ulam na pwedeng lutuin bilang selebrasyon ng Buwan ng Nutrisyon ay ang lumpiang kalabasa. Ang lambot ng gulay at lutong ng balat ay isang magandang kombinasyon.
Labanos
May dalawang uri ng mikrobyo na nagdudulot ng sakit sa tao, virus at bacteria, ngunit ang labanos ay may katangian laban sa fungi. Naglalaman ito ng protein na tinatawag nilang “RsAFP2.” Ayon sa isang pag-aaral noong 2009, ang RsAFP2 ay nagdulot ng pinakakarinawang uri ng fungi na patayin ang sarili nito.
Ang labanos ay madalas na makikita sa sinigang pero may isang kakaibang paraan ng pagluluto nito. Katakam-takam pakinggan ang fries pero paano kung gawa ito sa labanos? Isa pa, ang sawsawan nito ay creamy sinigang? Ito ay isa lamang sa mga malilikhaing paraan ng pagkain ng mga gulay sa bahay kubo.
Mustasa
May kakaibang kakayahan ang mustasa sa katawan ng tao na kaya ito pabagalin ang pagtanda nila. Naglalaman ito ng mga bitamina K at bitamina A na tumutulong sa batang kutis ng balat. Mas napapagaling agad ng bitamina K ang pamamaga, sugat, at pasa. Habang ang bitamina A ay nagbabawas ng kulubot sa balat, tigyawat, at iba pang hindi kaakit-akit na anyo sa mukha.
Kung may ginisang mustasa at ensaladang mustasa, mayroon namang burong mustasa. Katulad ng kimchi ng Korea, ang burong mustasa ay imbes na maanghang, maasim at may konting kirot na iba sa anghang.
Sibuyas, Bawang, at Luya
Ang tatlong gulay na ito ay bahagi na ng maraming mga ulam. Ang sibuyas ay may Quercetin na tumutulong laban sa katarata, Kanser, at sakit sa puso. May Allicin naman ang bawang na may kakayahang iwasan ang mga kondisyon na nagpapahirap sa pagproseso ng pagkain ng ating katawan katulad ng atherosclerosis, high blood pressure, at diabetes. Sa huli, ang luya ay nakakatulong sa mga buntis upang hindi mahilo.
Ang tatlong pampalasa na ito ay hindi-hinding mawawala sa pagkaing Pilipino. Madalas ito ang mga tatlong unang sangkap na inihahanda bago iluto. Kapag nakita na ang tatlong ito sa kahit-anumang ulam, tiyak na ito ay hindi lang masarap kundi masustansya.
Kamatis
Ito ang natatanging prutas na nabanggit sa bahay kubo. Lingid sa kaalaman ng iba, ang kamatis ay itinuturing na isang prutas at hindi gulay. Subalit, katulad ng mga ibang gulay, may angking tulong ito sa balat. May tinatawag na lycopene ang kamatis, isang antioxidant, na nagbibigay proteksyon sa balat mula sa UV radiation.
Isang masarap na putahe na pangunahing sangkap ang kamatis ay ang Sarciado. Binubuo ito ng pritong isda, itlong at, higit sa lahat, kamatis.
Linga
At sa paligid-ligid ay puno ng… Ang buto ng linga o sesame seeds ay matatagpuan sa samu’t saring mga pagkain ngayon, sa burger, sa chicken wings, at mga tinapay. Pero, may taglay itong sustansya na tinatawag na sesamol na nakakatulong bawasan ang pamamaga at mga sakit tulad ng arthritis.
Maraming tinapay ang naglalaman ng sesame seeds ngunit natatangi rito ang binangkal. Sa sobrang daming ulam na nabanggit, kailangan ng dessert para matapos. Ito ay isang tinapay na, parang buchi, pinirito at tinaktakan ng buto ng linga.
Ang Buwan ng Nutrisyon ay hindi lamang isang oportunidad na lumaban sa iba’t ibang patimpalak o alamin ang mga gulay at ang sustansya nito, kundi subukan ang panlasang Pilipino at maging malusog. Tandaan, kahit munti man ang bahay kubo, ang taglay nitong mga halaman ay isang malaking ani ng sustansya kung titignan ang likod nito.