Opinyon
Platapormang Totoo, May Dala-dala nga bang Pagbabago?: SSG Eksklusibong Panayam
ni Candice Espela & Kriztine Fate Lalota
May Kontribusyon ni Johanna Paulene De Jesus
September 15, 2026
6-min read
Iniwasto ni Nicole Magaru
Opinyon
Platapormang Totoo, May Dala-dala nga bang Pagbabago?: SSG Eksklusibong Panayam
ni Candice Espela & Kriztine Fate Lalota
May Kontribusyon ni Johanna Paulene De Jesus
September 15, 2026
6-min read
Iniwasto ni Nicole Magaru
Editoryal na Kartoon ni Rhianne Jenica Mendoza
Ang tunay na pamamahala ay nagsisimula sa pagbabago at katapatan.
Ang pagiging lider-estudyante ay hindi lamang upang matugunan ang posisyong nais mong takbuhan. Ngunit, ito ay nagdedemanda ng pagbabago at mas angkop na proyekto para sa iyong mga kapwa mag-aaral. Ang mga proyekto na ito ay hindi dapat maging kung ano lamang ang mga responsibilidad ng posisyong iyong itinatatakbo, ngunit dapat ito maging mas tiyak at planado sa kung paano ito ipinapatupad.
Ngayon na maraming rebisyon, suliranin, at hamon sa sektor ng edukasyon, dapat maging mas mabusisi ang mga nais mahalal bilang lider-estudyante sapagkat sila ang boses at representasyon ng mga mag-aaral sa buong paaralan. Sa pamamagitan ng Supreme Student Government (SSG), maaaring magkaroon ng mas maayos na ugnayan sa pagitan ng mga mag-aaral at administrasyon, gayundin ng mekanismo upang matutugunan ang bawat tanong, hinaing, at panawagan ng mga estudyante.
Noong ika-11 ng Setyembre, 2026, nagsagawa ng eksklusibong panayam ang opisyal na pahayagan ng Centro Escolar Integrated School (CEIS), The Escolarian, upang ibahagi ng mga kandidato ang kanilang plano, pananaw, at hangarin para sa paaralan bilang paghahanda sa nalalapit na halalan. Binigyan ang mga kandidato ng pagkakataong ipaliwanag at depensahan ang mga tanong ng mag-aaral sa kanilang mga plataporma.
Gayunpaman, hindi lahat ng kandidato ay dumalo sa panayam dahil sa iba’t ibang rason, isa na rito ang pagsabak sa tryouts at iba pang mga responsibilidad. Isinagawa ang panayam upang mabigyan sila ng pagkakataong talakayin ang kanilang mga plataporma at sagutin ang nais malaman ng mga mamboboto. Bagama’t maaaring may mga lehitimong dahilan ang kanilang pagliban, mahalagang tandaan na ang pagnanais na maging lider-estudyante ay nangangailangan ng kakayahang magtakda ng mga prayoridad at maglaan ng panahon para sa mga tungkuling kaakibat ng posisyong tinatakbuhan.
Sa mga plataporma na inilahad ng mga kandidato, kapansin-pansin na mayroong ilang proyekto na nakatuon lamang sa kanilang responsibilidad at tungkulin ng kanilang tinakbuhang posisyon, at hindi mga tiyak na proyekto na para sa kaunlaran ng paaralan. Bukod dito, ang karamihan na proyekto ay halos kapareho o kahawig sa mga naipatupad at naisagawa na noong nakaraang taon. Marami rito ay hindi direktang nagsusulong ng konkretong pagbabago o makabagong ideya na ikabubuti ng sambayanang mag-aaral.
Bilang nais nilang tumakbo bilang lider ng pamantasan, dapat na maging mausisa sa iba’t ibang aspeto at anggulo kung saan sila maaaring makatulong sa mga mag-aaral nang may mas malalim na pananaw. Hindi lamang dapat tinatanong, “Ano ang pwede kong maitulong?”, ngunit mas mahalaga ang tanong na “Ano pa ang kailangan ng aking kapwa kamag-aral?”
Ang mga plataporma at proyekto ng isang lider-estudyante ay ipinapatupad upang maging kaagapay ng mga estudyante sa loob ng paaralan. Ngunit, paano ito likas na makatutulong kung walang malinaw na eksplanasyon, pangangatwiran, o tahas na paliwanag kung paano ito ipapatupad? Bilang kinatawan ng student body, mahalagang alam ng SSG ang mga pangangailangan at hinaing ng kanilang nasasakupan. Hindi sapat ang pagsasabi na “Pakikinggan namin ang kapwa mag-aaral namin” o “Tutugunan namin ang iyong mga hinaing,” kung hindi naman maayos na ipakikita kung paano ba mas nagiging epektibo ang kanilang boses bilang isang lider.
Maganda rin naman ang perspektibo na itutuloy at isusulong pa rin ang mga sistema mula sa mga nakaraang taon na proyekto ng SSG. Ito ay naging patunay na naging epektibo at makabuluhan ang mga proyekto ng mga nakaraang taon. Ngunit, sa panahon natin ngayon na kaliwa’t kanan ang mga suliraning kinahaharap ng mga estudyante, kinakailangan din natin ng mga plataporma at proyekto na angkop sa kasalukuyang sitwasyon ng mag-aaral upang mas maibagay ito sa mga pangangailangan nila.
Isa pang kapansin-pansin na katangian ay ang kakayahan upang maipatupad ang mga proyekto na isinasaad. Madaling sabihin ang isang bagay, ngunit hindi ito madaling gawain. Sa paggawa ng isang proyekto, dapat isaalang-alang ang oras, resources, at kakayahan nitong maisagawa at hindi lamang ang kagandahan nito. Naitala na ang mga ganitong kaso noong nakaraang taon, kung kailan napako ang mga pangako sa kampanya at tuluyang hindi naisakatuparan ang mga nabanggit na proyekto. Ang mga salita na binibitawan ng isang lider ay nararapat na maging konkreto, at hindi manatili bilang mga pangakong napako.
Ngunit, ngayon na panahon ng halalan, kahit hindi makabago ang kanilang mga proyekto, magandang makita na mas marami ang nais maging lider-estudyante na magiging boses ng kapwa kamag-aral. Sa kasalukuyang panahon na nanghihingi ang sambayanang Pilipino ng pananagutan at katotohanan mula sa mataas na sektor ng gobyerno, mahalaga ang politikal na partisipasyon maging sa loob ng paaralan. Ang kabataan ay may kapangyarihang maging daan tungo sa bagong yugto ng pagbabago ng buong bansa.
Sa mga Eskolarino’t Eskolarina, ngayon na panahon na halalan, nawa’y maging matalino tayo sa pagpili ng magiging representasyon ng ating institusyon. Huwag tayong babase sa popularidad o sa iba pang kalidad na walang kinalaman sa tunay na pamamahala. Tandaan, ang pagiging mulat sa politika ay hindi lamang sa nasyonal na lebel; ngunit, dapat ito ay sa lahat ng antas ng pamumuno at dito na natin sisimulan ito sa paaralan. Sa huli, huwag kalimutan makinig, makisali, at kumilatis sa mga nais maging boses natin para sa pagbabago at katapatan.