Nasa Tao ang Buhay, Nasa Ai ang Hukay
Isinulat ni Candice Espela
May Kontribusyon ni Rihanna Basha Guillermo
August 22, 2026
5-min read
Iniwasto ni Julia Santos & Nicole Magaru
Nasa Tao ang Buhay, Nasa Ai ang Hukay
Isinulat ni Candice Espela
May Kontribusyon ni Rihanna Basha Guillermo
August 22, 2026
5-min read
Iniwasto ni Julia Santos & Nicole Magaru
Thumbnail by Shaina Paulynne Sarmiento
Hindi na nakagugulat ang tema ng Buwan ng Wika sa mala teknolohiyang pahanon; ngunit ang kasalukuyang tema ay tila nagpapakita lamang ng unti-unting palubog ng diwa ng ating lengguwahe.
Ang Buwan ng Wika ay ipinagdiriwang tuwing Agosto upang gunitain at pagyamanin ang ating lengguwaheng Filipino. Ngunit imbes na paunlarin ang kagamitan ng ating lengguwahe, ang temang inilalahad ng Komisyon ng Wikang Filipino (KWF) at ipinatupad ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) ay isang paraan muli upang palaguin ang kahirapan natin sa edukasyon.
Ang Artificial Intelligence (AI) ay matagal nang isyu, ngunit mas naging laganap ang paggamit nito sa loob ng mga institusyong pang-edukasyon. At ngayon, tila makikita natin na pa wala na ang diwa ng ating lingua franca sa temang: Wikang Filipino at AI: Kasangkapan sa Pananaliksik at Tulay sa Yaman ng Impormasyon.
Maihahalintulad sa kultura ang wika; namamatay kapag ‘di na ginagamit. Sa ganitong paraan na AI ang bahala, mamatay ang ating wika dahil hindi na mapapasa ng pinag-aralan, ginamit at isinabuhay ng maayos sa mga estudyante ngayon at sa kinabukasan.
Hindi magiging tulay ang AI; kundi, ito ang magdadala sa atin sa katapusan.
Tama rin naman ang DepEd na hindi maiiwasan ang paggamit ng AI sa mga proyekto at iba pang gawain, lalo na sa mga guro natin na tadtad na ng gawain sa paaralan at sa kani-kanilang bahay. Ngunit sapat na ba itong rason upang gumamit na lamang ang AI bilang isang solusyon?
Hindi dapat nating hayaang manaig ang katamaran at ang tinatawag nating “Bahala na ugali” na mayroon ang mga Pilipino.
Sa ganitong paraan, hindi natututo ang kabataang Pilipino na mahalin ang ating wika. Bagkus, nagkakaroon sila ng isa pang dahilan upang hindi ito aralin o gamitin nang may pagmamahal at katapatan.
Natatandaan ko rin ang araw na inanunsyo itong may mga kasamang kompetisyon para sa Buwan ng Wika sa bawat paaralan gamit pa rin ang AI. Ngunit paano naman nito masusukat ang maayos na paggamit ng wika at ang pagkamalikhain ng mga kapwa estudyante sa paggawa nito? Pagandahan ba ito ng kani-kanilang mga prompt?
Hindi na estudyante ang nag-iisip, kundi isang matakaw sa enerhiya at uhaw sa tubig na makina.
Ang AI ay nagbibigay lamang ng ilusyon na ang mga tamad ay matalino at ang hindi marunong lumikha ng sining ay malikhain.
Nakababahala rin ang pagsuporta ng ating gobyerno sa mga inisyatibong katulad nito na nagsasaad ng kanilang suporta sa mainit na isyu ngayon na Pax Sillica–isang pasilidad para sa AI na sisira ng ekta-ektaryang lupain ng Pilipinas. Maraming nagsasabi na ginawa ng DepEd ang temang ito para unti-unting tanggapin ng mga mamamayan ang Pax Sillica, subalit hindi ba nakikita ng gobyerno ang kahihinatnan ng pagpapalaganap ng AI?
Noong 2022 pa ang isyu na ang learning poverty sa bansa dulot ng pandemya at ng ating ranggo sa Programme for International Assesment (PISA). Napakarami ng reporma sa kurikulum sa mga nakalipas na taon upang ito ay solusyonan, pero hindi ba naiisip ng mga nagpapatupad nito na tumingin sa kanilang mga sarili at pag-isipan nang mas mabuti ang kanilang mga nirereporma?
Bilang kabataan, tila mas lalo pa tayong ibinabaon, hindi lamang sa usaping pangkapaligiran, kundi maging sa ating kapasidad na mag-isip at maging Pilipino. Sapagkat sa gitna ng mabilis na pag-unlad ng AI, unti-unti nating nakakalimutan ang kahalagahan ng sariling wika at kakayahang mag-isip para sa sarili.
Walang pagtataka na ang ating gobyerno ay nagpapalaganap ng mga paraan upang ang mga kabataan ay dumepende sa isang teknolohiya na kontrolado nila. Ngunit, hindi ito nangangahulugang basta-basta na lamang itong tatanggapin ng mga Pilipinong mag-aaral na lumalaban at hindi ito tinatanggap bilang isang paraan upang palaganapin ang ating wika. Alam nating mga kabataan na nasa tao ang buhay ng wika, hindi sa mekanikal na utak ng isang walang diwa.