Hanggang Kailan Tayo Magiging Matatag?
Isinulat ni Johanna Paulene B. De Jesus
August 29, 2026
5-min read
Iniwasto ni Christian Josef Sibug
Hanggang Kailan Tayo Magiging Matatag?
Isinulat ni Johanna Paulene B. De Jesus
August 29, 2026
5-min read
Iniwasto ni Christian Josef Sibug
Guhit ni Blair Carandang at Khaizher Bernardino
Matatag o normalisasyon ng pagpapabaya?
Kilala bilang matatag ang mga Pilipino, lalo na sa panahon ng kalamidad kung saan patuloy natin hinaharap ang mga pagsubok. Tunay ba itong papuri? O baka dahil wala na tayong ibang magagawa kundi magtiis sa hirap, habang ang mga nakatataas ay patuloy na nalulunod sa pera samantalang tayo’y nalulunod sa baha?
Isinailalim na ang Bulacan sa State of Calamity noong Agosto 20, 2026 dulot ng habagat at Bagyong Luis at Maymay. Ayon sa Inquirer.Net, anim na talampakan ang tubig sa Bulakan, Calumpit, at Hagonoy, samantalang may mga naitalang landslides mula sa Dona Remedios Trinidad (DRT).
Sa Calumpit na may 29 na barangay na binaha ay may mga flood control projects na mismong si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at ang gobyerno ay nagbansag bilang substandard o ghost project.
Nakapagtatakang isipin, nasaan na ang bilyong inilaan upang maiwasan ang mga ganitong panganib? Bakit kailangan pa rin ipagpatuloy ang pagiging matatag ng mga Pinoy kung mayroon naman pa lang sapat na pondo upang malutas ang epekto ng mga kalamidad?
Sabi nga nila, “Prevention is better than cure.” Hindi nararapat na umasa ang pamahalaan sa mga Pinoy na maging matatag sa panahon ng sakuna. Batay sa ulat ng Bulacan Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO), umaabot sa P100 milyon kada taon ang nagagastos nila sa relief assistance. Sa halip na paulit-ulit gumastos matapos ang kalamidad, mas nakabubuti ang pangmatagalang solusyon tulad ng mga flood control project at regular na maintenance upang maiwasan ang pinsala.
“Baha lang ‘yan. Sanay na ang mga Pinoy sa baha.” Panahon na upang itigil ang pagtrato sa pagbaha bilang normal na bahagi ng buhay ng mga Pilipino.
Kung patuloy lang nating ituturing normal ang pagbaha, tila nababawasan na rin ang presyur sa pamahalaan na gawan ng permanenteng solusyon.
Ipinahayag ng PDRRMO na 960,821 residente mula sa 275,000 pamilya ang apektado sa pagbaha at mahigit-kumulang sa P130 milyon ang kabuuang pinsala sa agrikultura.
Bukod sa mga pinsala, apektado rin ang kabuhayan at pinagkukunan ng pang-araw-araw na pangangailangan ng karamihan. Sa tuwing napipinsala ng baha ang kanilang sakahan, hindi lamang kita ang nawawala, ngunit nangangailangan pa silang mag-umpisa muli ng panibagong tanim, kaya’t dagdag gastos na naman.
Ang pagiging sanay ng mga Pinoy sa pagbaha ay hindi nangangahulugang normal ito; ito’y patunay na matagal na itong nararanasan.
Walang saysay ang proyektong nasa papel lamang sapagkat walang bakas na naisagawa ito. Sa isang Senate Blue Ribbon Committee Hearing nitong Agosto 18, 2026, inamin ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan na totoo ang mga naiulat ghost projects sa Calumpit, Malolos, at Hagonoy.
Ang tanong: nasaan na ang pondong inilaan para dito?
Maaaring sabihin na hindi naman kontrolado ng gobyerno ang panahon, kaya hindi lamang sila ang dapat sisihin sa pagbaha. Hindi rin sapat ang flood control kung walang maayos na aksyon o plano ang Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) tungkol sa climate change at pagtaas ng sea levels.
Ngunit bilang mamamayan, tayo rin ay may karapatang humalal ng susunod na uupo at maglilingkod sa bayan, sapagkat ang kaniyang mga desisyon ay may epekto sa ating lahat.
Tunay namang hindi kontrolado ng pamahalaan ang panahon. Subalit, nasa kanilang kontrol ang mga proyektong hindi naipatupad at pondo ng bayang nawaldas. May karapatan sa katotohanan ang taumbayan kung saan napupunta ang kanilang mga buwis.
Ito na ang panahon na hindi lamang maging matatag, kundi manindigan. Dapat tiyakin ng pamahalaan ang wastong paggamit ng pondo, maayos na pagtutupad ng proyekto, at pananagutin na ang dapat managot.
Ang pagiging matatag ay hindi dapat gawing panakip-butas sa pagkukulang ng pamahalaan o maging dahilan upang masanay sa kapabayaan–ito’y dapat maging papuri sa mga Pilipino, hindi hadlang sa tamang pamamahala.