Opinyon
Bawat Patak ng Tubig: Ligtas nga ba?
ni Sharina T. Balajadia
Nobyembre 6, 2026
6-min read
Iniwasto ni Christian Josef Sibug
Opinyon
Bawat Patak ng Tubig: Ligtas nga ba?
ni Sharina T. Balajadia
Nobyembre 6, 2026
6-min read
Iniwasto ni Christian Josef Sibug
Editoryal na Kartoon ni Rhianne Jenica Mendoza
Walang araw na hindi natin kailangan ang tubig, kaya mahalaga rin ang pagkakaroon ng sapat at ligtas ng supply ng tubig, dahil bahagi ito ng halos lahat ng ating pang-araw-araw na gawain.
Sa harap ng banta ng El Niño, paano nga ba natin matitiyak na may sapat at malinis na tubig para sa lahat?
Sa gitna ng nararanasang matinding init ng panahon at pangamba ng dulot ng Super El Niño, mahalagang paghandaan ang posibleng kakulangan sa suplay ng tubig. Kaugnay nito, ipinakita ni Department of Social Welfare and Development (DSWD), Secretary Rex Gatchalian ang isang water filtration kit sa isang press briefing sa Malacañang noong Oktubre 14, 2026. Sa demonstrasyon, kapwa uminom ng sinalang tubig sina Gatchalian at Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Atty. Claire Castro, na nagpahayag na, “Malinis po yung tubig.”
Ayon sa mga pahayag ng DSWD, ang filtration kit ay may Department of Health (DOH) certification at idinisenyo upang mag-alis ng mga partikular na kontaminante, kabilang ang bakterya, depende sa kakayahan ng teknolohiya. Maaari rin itong ikabit sa ordinaryong balde, na posibleng maging praktikal na alternatibo para sa mga komunidad na nangangailangan ng ligtas na inuming tubig.
Ayon sa pahayag ni Gatchalian sa nasabing press briefing, ang filter membrane ay maaaring tumagal nang hanggang limang taon kung susundin ang wastong paglilinis at pangangalaga rito. Gayunman, mahalagang matiyak na nauunawaan ng mga gagamit nito ang tamang maintenance upang mapanatili ang bisa ng kagamitan.
Ang tanong: paano makasisiguro na magiging sapat at ligtas ang suplay ng tubig para sa lahat kung ang pagsala nito ay nakadepende pa rin sa pagkakaroon ng mapagkukunan ng tubig?
Mahalagang hakbang ang water filtration kit ng DSWD sa paghahanda sa posibleng epekto ng Super El Niño. Subalit, mahalagang isaalang-alang na ang pagsala ng tubig ay nakasalalay pa rin sa pagkakaroon ng mapagkukunan nito. Sa panahon ng matinding tagtuyot, maaaring mahirapan ang ilang pamayanan na makakuha ng sapat na tubig para sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan. Dahil dito, hindi lamang ang pagkakaroon ng kagamitang pansala ang dapat bigyang-pansin, kundi pati ang pagkakaroon ng sapat at maaasahang suplay ng tubig para sa bawat tahanan.
Ayon sa gabay ng World Health Organization (WHO), maaaring mangailangan ng hindi bababa sa 15 litro ng tubig bawat tao kada araw sa mga panahong may kagipitan, bagama't nag-iiba ang pangangailangan depende sa kalagayan at mga pangunahing pangangailangan ng mga mamamayan. Kung pagbabatayan ang isang pamilyang may apat na miyembro, katumbas ito ng 60 litro ng tubig bawat araw para sa mga pangunahing pangangailangan. Sa harap ng banta ng Super El Niño, mahalagang isaalang-alang kung paano matutugunan ang ganitong pangangailangan kung patuloy na nababawasan ang suplay ng tubig. Bagama't maaaring makatulong ang filtration kit sa paglilinis ng tubig mula sa angkop na mapagkukunan, hindi nito malulutas ang kakulangan sa tubig mismo. Samakatuwid, nararapat tiyakin hindi lamang ang pagkakaroon ng kagamitang pansala, kundi pati ang sapat at tuloy-tuloy na suplay ng tubig na mapakikinabangan ng mga mamamayan.
Hindi lamang dami ng tubig ang dapat isaalang-alang, kundi pati ang kaligtasan nito matapos salain at ang pagiging praktikal ng paggamit ng filtration kit sa mga tahanan. Bagama't mahalagang batayan ang sertipikasyon ng kagamitan, kailangang maunawaan ang saklaw nito at kung anong mga kontaminante ang napatunayan kaya nitong alisin. Mahalaga ring matiyak na angkop ito sa kalidad ng tubig mula sa mga mapagkukunan ng mga pamayanang gagamit nito. Bukod dito, hindi sapat na maipamahagi lamang ang mga kagamitang pansala; kailangang matiyak na mayroon ding mga kinakailangang kagamitan at sapat na kaalaman ang mga mamamayan upang magamit at mapanatili ang mga ito nang wasto. Maaaring maging dagdag na hamon ito sa mga pamilyang limitado ang kakayahang makakuha ng mga kagamitang kailangan sa paggamit at pangangalaga ng pansala.
Higit sa lahat, nananatiling mahalagang usapin ang pagkakaroon ng tubig na maaaring salain. Sa panahon ng matinding tagtuyot, maaaring mabawasan ang suplay ng tubig mula sa mga balon, imbakan, at iba pang pinagkukunan. Kung walang sapat na tubig na makukuha, limitado rin ang maitutulong ng filtration kit sa pagtugon sa pang-araw-araw na pangangailangan ng mga mamamayan. Dahil dito, hindi dapat ituring ang kagamitang pansala bilang nag-iisang solusyon sa suliranin sa tubig. Kailangan itong samahan ng mga hakbang na magtitiyak ng maaasahang suplay ng tubig, wastong pagsusuri sa kalidad nito, at mga pangmatagalang solusyong angkop sa kalagayan ng bawat komunidad.
Kinikilala natin ang mga pagsisikap ng pamahalaan na maghanap ng mga paraan upang matugunan ang pangangailangan ng mga mamamayan sa malinis at ligtas na inuming tubig sa harap ng banta ng Super El Niño. Gayunman, mahalagang samahan ang mga hakbang na ito ng patuloy na pananaliksik, pagsusuri, at pakikipag-ugnayan sa mga komunidad upang matukoy kung ang mga solusyong ipinapatupad ay angkop sa kanilang aktuwal na kalagayan. Responsibilidad din ng pamahalaan na tiyakin ang pagkakaroon ng sapat at ligtas na suplay ng tubig para sa bawat Pilipino, sa halip na iasa sa bawat pamilya ang paghahanap at paglilinis nito, lalo na kung limitado ang kanilang kagamitan at mapagkukunan.
Hindi lamang kakayahan ng water filtration kit ang dapat pagtuunan ng pansin, kundi pati ang pagkakaroon ng sapat na mapagkukunan ng tubig at ang kaligtasan nito matapos salain. Sa huli, ang tagumpay ng isang programa ay hindi lamang nasusukat sa kagamitang ipinagkaloob, kundi sa kakayahan nitong tumugon sa tunay na pangangailangan ng mga mamamayan. Sapagkat ang malinis at ligtas na inuming tubig ay hindi luho, kundi pangunahing pangangailangan ng bawat Pilipino.