Mga Pilipino, Nagkaisa sa Kilos-Protesta Laban sa Korapsyon
Ni Jessica Jhodri Royo
Kasama ang Kontribusyon ni Leianne Dela Cruz
Setyembre 22, 2025
2-min read
Iwinasto nina Tyra Lucero, Leianne Dela Cruz at Raj Canals
Mga Pilipino, Nagkaisa sa Kilos-Protesta Laban sa Korapsyon
Ni Jessica Jhodri Royo
Kasama ang Kontribusyon ni Leianne Dela Cruz
Setyembre 22, 2025
2-min read
Iwinasto nina Tyra Lucero, Leianne Dela Cruz at Raj Canals
Setyembre 21, 2025 — nagtipon-tipon ang mga Pilipino sa mga daan ng Maynila para isagawa ang “Trillion-Peso March.” Ang iba ring mga Pilipino na nasa karatig na lugar ay lumabas din sa mga kalsada upang isigaw ang panawagan na wakasan na ang laganap na korapsyon bunsod ng isyu hinggil sa “flood control projects.”
Sa araw din na ito iginunita ang ika-53 anibersaryo ng Batas Militar, isang paalala ng hindi pagkalimot sa malagim na rehimeng naranasan ng bansa. Mga bata man o matanda, mga kilalang personalidad, hanggang sa mga karaniwang mamamayan ay nakiisa para sa kilusang protesta kontra korapsyon na idinaos sa mga kalsada.
Libo-libong Pilipino ang nagtungo sa EDSA People Power Monument, Luneta Park sa Ermita, Maynila, sa bayan ng Hagonoy, Bulacan, at sa ilang mga lugar sa Cebu upang magsagawa ng kilos-protesta laban sa lumalalang korapsyon sa bansa.
Dumalo rin ang ilang mga kilalang personalidad katulad nina Vice Ganda, Elijah Canlas, Donny Pangilinan, Jodi Sta. Maria, Anne Curtis-Smith, at Jasmine Curtis-Smith. Nandoon din sina Senador Bam Aquino, Akbayan Partylist Representative Chel Diokno, at Quezon City Mayor Joy Belmonte.
Ani naman ng tanyag na komedyante at artista na si Vice Ganda na kinilala rin bilang isa sa mga top taxpayers ng Bureau of Internal Revenue (BIR), “Tapos na ang panahon na natatakot tayo sa gobyerno. Takutin natin ang gobyerno, dahil ang kapangyarihan ay nasa sa atin [at] wala sa kanila. Nakatingin kami sa inyo. Ipakulong lahat, lahat ipakulong. Bawiin ang mga ari-arian.”
Samantala, nagkaroon naman ng gulo sa kabila ng kilos-protesta sa Mendiola, Maynila. Sinunog ng isang grupo ng mga kalalakihan ang isang container van pagkatapos ay pinag-babato ang ilang mga miyembro ng kapulisan.
Hindi kalaunan ay inaresto ang mga ito. Ang ibang kabataan ay dinampot ng pulisya, dahil nahuli ng sangkot sa tensyon sa Mendiola. Bukod dito, napinsala at isinugod sa ospital ang ibang kapulisan, ang iba naman ay nakalabas agad dahil hindi malala ang kanilang natamong pinsala sa katawan.
Sa bahagi ng Recto Avenue, sa Maynila, nagkaroon ng matinding kaguluhan. Ang ilan sa mga kabataan ay sinunog ang motorsiklo ng mga pulis.
Nabaril ang isang lalaki dahil sa sunod-sunod na pagpapaputok ng baril ng isang pulis. Pumunta si Manila Mayor Isko Moreno, ani niya “Masyadong malaki ang damage na ginawa ng mga — I don't think raliyista [ang mga iyon].” Tinawag niyang “utak-adik” at “talangka” ang mga taong nagsimula ng gulo.
Sa kabilang banda, iniawit naman ang kantang “Upuan” ni Gloc-9 ng mga taong dumalo sa EDSA Shrine. Paulit-ulit din na isinigaw ng mga mamamayan ang mga katagang, “Ikulong na ‘yan, mga kurakot!”
Nagprotesta rin ang ilang mga Pilipinong hindi nakadalo sa rally gamit ang kanilang mga plataporma sa social media upang makilahok.
Samantala, binabalaan naman ang ilan sa mga nakibahagi sa kilos-protesta na mag-ingat sa laganap na red-tagging lalo na sa Maynila, sa kadahilanang maraming mga sibilyan ang sunod-sunod na nawawala. Alinsunod nito ay nagkaroon din ng media blackout.
Tinatayang nasa 216 na nagprotesta ang inaresto ng mga pulis sa Manila Police District (MPD) matapos ang kilos-protesta at 91 sa mga ito ay menor-de-edad.