Literary
The Holiday Anthology: Hiling
Ni Marielle Cassandra S. Violago
Disyembre 18, 2025
2-min read
Iwinasto ni Tyra Lucero
Literary
The Holiday Anthology: Hiling
Ni Marielle Cassandra S. Violago
Disyembre 18, 2025
2-min read
Iwinasto ni Tyra Lucero
Pagdatal ng malamig na simoy ng hangin,
Ako’y puno ng taimtim na dalangin,
Ang kampana ng simbahan ay rinig,
Sa Simbang Gabi, ang puso’y puno ng tinig.
Sa siyam na misang puno ng aral,
Isa lamang ang dinarasal,
Ang babaeng naninirahan sa aking isip,
Siyang tunay na laging laman ng panaginip,
Subalit takot umamin,
Sa takot na masira ang namamagitan sa amin,
Ang pagkakaibigan ay hindi kayang ipanganib,
Bagaman pag-ibig ang isinisigaw ng dibdib,
Kaya’t sa unang Simbang Gabi,
Isip ko ang kanyang labi,
Dahil sa ilalim ng liwanag ng parol,
Ang ganda ng ngiti niya’y nakabubulol,
Pagsapit ng ikalawang gabi, ang mga bituin ay kumikislap pa,
Aking naalala ang kanyang nagniningning na mga mata,
Sa pangatlong gabi, puso ko’y inalay,
Tanging nasa isip ang kanyang mga kamay,
Sa pang-apat na misa ngayong Pasko,
Laking paghanga ko sa kanyang talino,
Utak na puno ng karunungan,
Pag-ibig ko’y sana’y maintindihan
Ang pang-limang misa ay sumapit,
Ako’y umawit ng papuri sa kanyang taglay na bait,
Sana’y sa pang-anim na Simbang Gabi, ako nama’y mapansin
Aking hiling na titig mo ay mapasakin
Pagdating ng ika-pitong gabi, ako’y nabilib sa kanyang himig
Mala-anghel ang tunog ng kanyang tinig
Sa ika-walong gabi, ako’y nasilaw
Ganda niya’y tila nakakatunaw
At sa ika-siyam na gabi,
Isang hiling lamang ang sinabi,
Na sana’y mabigyang boses ang damdamin,
At ang tinatagong pagtingin ay maamin,
Sa wakas, sa unang liwanag ng Pasko,
Tila natupad ang hiling ko,
Sapagkat ang ngiti niya’y nakatugon sa akin,
At ang kamay niya’y hawak ko sa lamig ng hangin
Saksi ang langit sa mga lihim na pagtingin,
Pati na rin sa mga nararamdamang inamin,
Ang pag-ibig na matagal kong itinago,
Magsisimula na ngayong Pasko.