Literary
Ibong Nasa Hawla
Ni Leianne Dela Cruz
Hunyo 30, 2025
1-min read
Iwinasto ni Tyra Lucero
Literary
Ibong Nasa Hawla
Ni Leianne Dela Cruz
Hunyo 30, 2025
1-min read
Iwinasto ni Tyra Lucero
Sabi nila ang pagmamahal daw ay mapagpalaya
Ngunit paano kung isa akong ibong nakahawla?
Hindi ako malayang nakalilipad
Nakatali't mababa ang aking lipad
Hindi ito patungkol sa mga ibon
Patungkol ito sa mga nais na naipon
Mga damdaming hindi naihayag
Dulot ng lipunang mapagmatyag
Kung tunay ngang malaya ang pagmamahal
Bakit tila ako'y nasasakal?
Bakit ako'y dinudusta't dinidikta?
Ito ba ang kahulugan ng malaya?
Ano naman kung kapareho ng kasarian?
Isa na ba akong maituturing na makasalanan?
Makasalanan na kung makasalanan
Pero ang puso, sinisigaw lamang nito ang katotohanan
Bakit ba hindi magawang tanggapin?
Bakit kailangang sansalain?
Hindi ito nababatay sa pagpili
Ang pagmamahal na alam ko ay walang pinipili
Babae man o lalaki ang ninanais
Malaya tayong magmahal nang labis
Tandaang hindi limitado ang pag-ibig
Bagkus ito'y palaging mananaig