Literary
Ang mga Wangis sa Likod ng Pulang Tabing
Isinulat ni Ashley Yucamco
August 28, 2026
2-min read
Iniwasto ni Anne Gabrielle Torres
Literary
Ang mga Wangis sa Likod ng Pulang Tabing
Isinulat ni Ashley Yucamco
August 28, 2026
2-min read
Iniwasto ni Anne Gabrielle Torres
Tumbnail ni Klariz Johanne Cosay
Sa harap ko’y bumukas ang tabing tanghalan,
libo-libong mata ang sabay na nakatingin sa palabas na tampok sa bayan.
Palakpak ng madla’y umalingawngaw sa buong bulwagan,
habang ang mga artista’y sinasalubong ng sigaw at hiyawan.
Milyon ang dumagsa upang makita ang palabas na pinag-uusapan,
mula sa iba’t ibang bansa, mga manonood ay nakiisa sa kasiyahan.
Sa bawat ngiti at palakpak, sa bawat sigaw ng paghanga at kagalakan,
wari ko ay sila lamang ang dapat bigyan ng lahat ng karangalan.
Ngunit sa likod ng tabing na pula, may mga wangis na aking napuna,
may ngiting mula sa malayo’y tila may sariling ligaya.
Wala sila sa entablado, hindi sila madalas napapansin,
sila kaya ang mga taong unang nagsulat ng kuwentong ating minahal at inangkin?
Sino ang unang bumuo ng kuwentong ngayo’y ating pinapanood?
Sino ang nagtipon ng mga salita upang buhayin ang diwang pagod?
Sino ang nag-alaga sa wikang matagal nang atin at minana sa ninuno?
Sino ang nagdala nito hanggang tayo ay makilala sa mundo at tayo’y mabuo?
Sa tinta nagsimula ang salaysay na ngayo’y pinapalakpakan,
sa papel unang sumibol ang mundong dinarayo ng tanan.
Bawat titik ay bunga ng isip na piniling mag-alay para sa bayan,
bawat paghinga ay salamin ng lahing nais nang patuloy na makilala at pahalagahan.
Kaya sa inyo, mga manunulat, lingguwista, at tagapagsalin,
sa mga salitang inyong sinuri, isinulat, iningatan, at pinagyaman ng taimtim,
kayo ang nagbukas ng daan para sa ating wika sa malalayong lupain.
At sa matang humahanga, ang pagka-Pilipino’y muling nasilayan at nakilala rin.
Habang ang tabing ay unti-unting bumababa sa pagtatapos ng tanghalan,
hindi lamang sa mga artista ko iaalay ang aking palakpak at karangalan.
Kundi sa mga kamay na humubog sa salaysay na ngayo’y kinikilala ng karamihan,
sapagkat bago tayo narinig ng mundo, may wikang Filipino unang nagbigay-tinig sa bayan.