Kapag Tapos na ang Agosto
Isinulat ni Liana Lustre
Agosto 21, 2026
5-min read
Iniwasto ni by Shane Francesca Ramos
Kapag Tapos na ang Agosto
Isinulat ni Liana Lustre
Agosto 21, 2026
5-min read
Iniwasto ni by Shane Francesca Ramos
Thumbnail by Shariza Tomas & Genette Andrea Gonzales
“Wait lang, I’m gonna send it later kasi I’m still editing.”
Walang napalingon. Walang nagtaka. Karaniwan na ang mga pangungusap na humahabi ng Filipino at Ingles sa iisang hininga. Sa pagitan ng kumusta at how are you?, tara at let’s go, nabuo ang paraan ng pagsasalitang halos hindi na natin napapansin. Ngunit sa gitna ng ganitong nakasanayan, may isang tanong na tahimik na sumusulpot: May puwang pa ba ang wikang Filipino kapag hindi na Agosto?
Sa isang buwan, namumukadkad ang mga banderitas, umaalingawngaw ang damdamin ng mga tula, at muling napupuno ng sigla at pagmamahal sa wika ang mga pasilyo. Sa panahong iyon, ang Filipino ay hindi lamang asignatura; ito ay ipinakikita, ipinagdiriwang, at buong-pusong isinasabuhay. Ngunit sa mabilis na pagpatak ng Setyembre, isa-isang nawawala ang mga palamuti. Kasabay ng pagpawi ng mga banderitas sa hangin, tila humihina rin ang tinig ng Filipino. Parang ilaw na binubuksan para sa isang programa, saka agad pinapatay kapag tapos na ang palabas.
Hindi Lang Tungkol sa “Conyo”
Madaling sisihin ang conyo. Ngunit sa karanasan ng kabataan, higit na masalimuot ang kuwento. Hindi naman pagtataksil sa Filipino ang bawat salitang Ingles. Minsan, mas pamilyar lamang ang isang salita; minsan, doon mas madaling nakalulusot ang damdaming hindi kayang bigkasin agad sa sariling wika.
Aminado si Lorelae Pascual ng STEM 12-A na mas komportable siyang gumamit ng Ingles dahil mas madali niyang naipahahayag dito ang kanyang damdamin.
Ganito rin ang kay Adrielle Lugos, kaklase ni Lorelae.
“Mas malawak kasi ang aking bokabularyo sa Ingles kaya mas mabilis kong naipapahayag ang mga nasa aking isipan,” aniya.
Hindi kailangang maging kalaban ang Ingles upang mahalin ang Filipino. Ang tunay na tanong ay: Kapag wala nang nag-uutos na gamitin ito, pipiliin pa rin ba natin ang Filipino?
Para kay Ardane Miclat ng STEM 12-C/F, hindi ganoon kadali.
“Nahirapan ako dahil wala nang nagsasalita ng Tagalog, puro Taglish,” aniya.
Mas kapansin-pansin pa ang kaniyang obserbasyon:
“Namamangha tayo kapag may nagpu-purong Filipino, rare na kasi.”
Kailan pa naging pambihira ang wikang dapat ay pamilyar sa atin?
Kapag ang Wika ay Naging Alaala
Para kay Julia Santos, isa ring estudyante ng STEM 12-A, ang Filipino ay higit sa paraan ng pagsasalita. Isa itong bakas ng pinagmulan.
“Ako ay nalulungkot at nanghihinayang. Nalulungkot ako sapagkat tila unti-unting ibinabaon ang Filipino sa nakaraan; hindi ito nakasasabay sa ating pag-unlad. Ito ay malaking bahagi ng ating kultura kaya ito ay akin ding pinanghihinayangan.”
Sapagkat hindi kailangang tuluyang mawala ang isang wika upang maramdaman ang pagkawala nito. Minsan, sapat nang masanay tayong hindi ito gamitin. Hanggang sa dumating ang araw na ang purong Filipino ay mas nakapagtataka kaysa pamilyar—at ang sariling wika ay nagiging panauhin sa sariling tahanan.
Ngunit maaaring iba ang maging wakas.
Ayon kay Julia, maaaring buhayin ang Filipino sa mga bagay na kinahihiligan ng kabataan—sa pagsusulat, musika, sining, at nilalamang araw-araw nilang kinokonsumo.
Sapagkat ang wika ay hindi lamang nabubuhay sa silid-aralan. Nabubuhay ito sa biro, kuwento, mensahe, at sa mga salitang kusang lumalabas kapag wala nang nag-uutos na gamitin ito. Doon nasusukat kung buhay pa ang isang wika, sa kung kusa pa ba natin itong hinahanap o hinahayaan na lamang nating manahimik.
At marahil, iyon ang tunay na sukatan.
Hindi kung gaano natin ipinagdiwang ang wikang Filipino tuwing Agosto, kundi kung ano ang wikang kusang lalabas sa ating mga labi pagdating ng Setyembre.
Doon natin malalaman kung ang Filipino ay ipinagdiriwang lamang—o tunay na nakaugat sa atin.
Kapag nawala na ang mga banderitas at tumahimik na ang mga entablado, nawa’y may manatili.
Sapagkat ang wika ay hindi dapat nabubuhay lamang kapag ipinagdiriwang. Kapag tapos na ang Agosto, nawa’y hindi rin matapos ang Filipino sa ating mga labi.