Ang Anino ng Ibinaon na Kaibigan
By Lorelae Germae Pascual
August 15, 2026
4-min read
Copyread by Merill Franco and Christian Sibug
Ang Anino ng Ibinaon na Kaibigan
By Lorelae Germae Pascual
August 15, 2026
4-min read
Copyread by Merill Franco and Christian Sibug
Umuulan na naman sa Hagonoy.
Sa dahan-dahang pagpitik ng ulan sa metal na atip, kasabay ng pagdagundong ng kulog, tila may paulit-ulit na ritmong nagpapatahimik sa anumang tunog. Nagbibigay ito ng lagusan para sa mga aninong gumagapang sa bayan—walang mukha o katawan, walang tinig, parang kaibigang pinilit na ibaon ngunit muling bumabangon mula sa lupa. Dahan-dahan nilang inaakyat ang mga kalsada, sinasapawan ang mga daanan, at sumisingit sa ilalim ng mga pintuan. At bago pa man sila tuluyang makita, ramdam na ang kanilang pagdating sa malamig na tubig na unti-unting humahaplos sa sahig ng mga tahanan.
“Kamusta, matalik na kaibigan? Akala mo tuluyan akong nawala?” ani niya.
Kay lamig ng mga salitang nagpapataas ng balahibo sa braso, tuluyang nanunukso at nagpapaalala ng pangakong hindi man lang nakakita ng araw.
Pamilyar man sa mga Hagonoeño, hindi ito ang boses ng isang kaluluwang nabuhay na muli. Marahil wala itong anyo, pero nagpaparamdam tuwing bumubuhos ang matinding ulan. Ang multong ito ay may pangalan—ang ghost flood-control project.
Isang proyektong hindi lamang baha ang iniwan—pati isang subdivision na unti-unting nilisan ng mga residente. Hindi dahil sa takot, kundi sa pagkadismaya sa isang pangakong walang bitaw.
Ayon sa balita ng GMA News noong Agosto 8, 2026, unang nakita ang sitwasyon sa Mary the Queen Subdivision, na tinaguriang “ghost town” dahil sa pagiging abandonado nito. Pitong taon nang binabaha, at pitong taon na ring tinitiis ng mga residente ang tubig na umaabot mula tuhod hanggang hita para lamang sa ipinangakong ginhawa na hindi kailanman dumating.
Noong nakaraang taon pa lamang naibunyag ang pinagmulan ng ghost flood-control project. Sa paglipas ng panahon, tila isa itong sulating hindi na muling binubuklat—kaakibat ang ₱77.2-milyong flood mitigation project ng Wawao Builders para sa Brgy. San Nicolas, Hagonoy, ayon sa ulat ng Philstar noong Nobyembre 2025. Ngunit habang unti-unting kumukupas sa balita ang usapin, nananatili ang epekto nito sa pang-araw-araw na buhay ng mga Hagonoeño—isang realidad na patuloy na hinaharap, sapagkat ang katatagan ay hindi nakatanim sa isang tao; ito’y nahuhubog sa paulit-ulit na bigat ng paghihirap.
Mayroong iilang pamilyang sa Mary the Queen na nananatili sapagkat wala nang iba pang pagpipilian, at isa na rito ang pamilyang Haime.
“Pagsisimba ka, pupunta ng palengke, napakahirap po talaga. Yung ibaba po namin (bahay) hindi po namin ginagamit na. Mga gamit namin asa itaas na. For a year na po ‘yun, hindi namin ibinababa, mahirap po s’yempre, magtitiis ka,” paiyak na sinabi ni Mrs. Haime
Sa pagdalaw ng baha, maging munting gawain—ang pagsisimba, pamamalengke, o paggamit ng sariling bahay—ay tila pakikipagsapalaran sa isang multo; narito, pero walang katawan, nanunukso, pero hindi makalaban.
Para sa mga pamilyang dala ang bigat nito, kinakailangang manatili—sapagkat hindi mo maaaring piliing umiwas kung ang kalaban mo ay multo.